Gin Kings ibinangon ni Brownlee sa game 2

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Barangay Ginebra na hindi makakadalawang sunod sa kanila ang Rain or Shine.
Kumolekta si resident import Justin Brownlee ng 31 points, 15 rebounds at 8 assists sa 109-101 pagresbak ng Gin Kings sa Elasto Painters sa Game Two para itabla sa 1-1 ang kanilang Season 50 PBA Commissioner’s Cup semifinals series kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Nagdagdag si point guard RJ Abarrientos ng 25 markers kasama ang apat na sunod na free throws sa dulo ng fourth quarter sa pagbangon ng Ginebra sa naunang 111-115 kabiguan sa Rain or Shine sa Game One ng kanilang best-of-seven semis showdown.
Matapos ang three-point shot ni Brownlee para sa 101-84 abante ng Gin Kings ay nagtuwang sina Gian Mamuyac, Jhonard Clarito at import Jaylen Johnson para idikit ang Elasto Painters sa 97-101 agwat sa huling 1:37 minuto ng fourth period.
Naghamon ang Rain or Shine sa 99-103 galing sa free throws ni Clarito sa natitirang 32.2 segundo.
Ang basket ni Troy Rosario ang nagtaas sa Ginebra sa 105-99.
Sinelyuhan ni Abarrientos ang kanilang panalo sa kanyang apat na sunod na free throws.
Nag-ambag si Scottie Thompson ng 15 points at may 14 markers at 12 boards si Japeth Aguilar.
Umiskor si Adrian Nocom ng 20 points sa panig ng Rain or Shine kasunod ang tig-19 markers nina Johnson at Clarito.
- Latest




















