Hart, Brunson nagsanib sa 2-0 lead ng Knicks sa Cavs

NEW YORK - Nagpasabog si Josh Hart ng playoff career-high 26 points, habang naglista si Jalen Brunson ng 19 points at 14 assists para gabayan ang Knicks sa 109-93 pagrapido sa Cleveland Cavaliers at iposte ang 2-0 lead sa kanilang Eastern Conference finals series.
Dalawang panalo pa ang kailangan ng New York para muling makasampa sa NBA Finals sapul noong 1999.
Umiskoir din si Mikal Bridges ng 19 points at kumolekta si Karl-Anthony Towns ng 18 points at 13 rebounds para sa kanilang pang-siyam na sunod na ratsada.
Ito ang pinakamahabang postseason winning streak simula nang ilista ng Boston Celtics ang 10 dikit patungo sa kanilang 2024 championship.
Pumukol si Hart ng limang three-point shots na bumasag sa depensa ng Cleveland.
Nauna na silang bumangon mula sa isang 22-point deficit sa fourth quarter sa Game One para resbakan ang Cavaliers at kunin ang 1-0 abante sa serye.
Isang 18-0 atake sa third quarter ang isinagawa ng New York sa likod nina Hart at Brunson para kunin ang 71-53 kalamangan mula sa 53-49 halftime lead.
Ilang beses nakalapit ang Cleveland sa fourth period, ngunit bigong maagaw ang kalamangan.
Naglista si Donovan Mitchell ng 26 points, habang may 18 markers si James Harden para sa Cavaliers na pamamahalaan ang Game Three bukas.
Ito ang ikalawang sunod na Eastern Conference finals appearance ng Knicks, ngunit hindi pa nananalo ng korona mula nang matalo sa San Antonio Spurs noong 1999.
- Latest






















