Mas mahabang MPTC Tour of Luzon sa ‘27
MANILA, Philippines — Mas malaki at mas mahabang MPTC Tour of Luzon sa susunod na taon.
Sinabi ni MPTC Tour of Luzon Chief Operating Officer Arrey Perez na posibleng umabot sa 17 stages ang 2027 edition ng event mula sa nakaraang walo at 14 stages sa 2025 at 2026, ayon sa pagkakasunod.
“Sa tatlong madadagdag na three stages, eh gawin na lang nating botohan. Paramihan na lang po ng boto,” ani Perez sa panayam ng DZSR Sports Radio. “Let’s make it also more enticing. Your participation is welcome. Let’s make it more engaging para sa inyo.”
Sa 2025 MPTC Tour of Luzon na may walong stages ay si South Korean Joo Dae Yeong ng Gapyeong Cycling Team ang nagkampeon.
Si Russian Nikita Shulchenko ng LCW UAE Cycle ang naghari sa mas mahabang 14-stage, 1,821.1kilometer race.
Parehong tinapos sa Baguio City ang nasabing dalawang edisyon.
Nakasingit ng panalo sina Pinoy riders Dave Montemayor ng Go for Gold Philippines sa 140.1 km Stage 3 at Ryan Tugawin of Excellent Noodles sa 157.4 km Stage 8.
Hinirang ang 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines bilang hari sa Team General Classification sa itinalang oras na 162:25:49.
- Latest




















