Jerusalem bigo kay Kuse
MANILA, Philippines — Isinuko ni Melvin Jerusalem ang kanyang WBC minimumweight title matapos yumuko kay Siyakholwa Kuse via unanimous decision kahapon ng umaga na ginanap sa Emperor’s Palace sa South Africa.
Napabagsak ni Jerusalem si African boxer Kuse sa 11th round pero hindi sapat upang madepensahan ang kanyang korona, ang scored card ay 116-111, 116-112, at 115-111 pabor sa huli.
Putok sa bandang kaliwang mata si Jerusalem matapos ang aksidenteng banggaan ng ulo sa pangatlong round kaya sinamantala ito ni Kuse.
Nai-istorbo ng pagtulo ng dugo sa mukha ang diskarte ng 32-anyos na si Jerusalem na dumating sa South Africa, tatlong Linggo na ang nakalipas kasama ang trainer na si Michael Domingo.
Hindi nagdahilan si Jerusalem.
“No excuses, guys,” sabi ni Jerusalem sa kanyang Facebook Live. “Yung mga naniniwala sa akin, maraming salamat sa inyong lahat. Hindi sa atin ngayon yung araw. Congrats kay Kuse.”
Nakapagtala si Jerusalem ng record na 25-4 (12 KOs) at napaganda naman ni Kuse ang karta nito sa 10-3 kasama ang 4 KOs.
Halos nakapikit naman ang kaliwang mata ng bagong kampeon kung saan ay muntik na rin itong natulog sa lutong ng suntok ni Jerusalem.
- Latest


















