Tugawin inagaw stage 8 ng TOL

PAOAY, Ilocos Norte — Sa wakas, nakakuha rin ng stage win si Pinoy rider Ryan Tugawin ng Excellent Noodles Cycling Team.
Nagsumite si Tugawin ng bilis na tatlong oras, 16 minuto at 58 segundo para pagharian ang Stage Eight 148.4-kilometer race ng MPTC Tour of Luzon 2026 na nagsimula sa Pagudpud Town Hall at nagtapos kahapon dito sa harap ng San Agustin Church.
Inangkin ng 36-anyos na tubong Solano, Nueva Vizcaya ang stage win laban kina Ariff Noor Roseidi ng Malaysian National Team at Marvin Mandac ng Go for Gold na nagtala rin ng parehong oras 03:16:58.
Ito rin ang inilista nina Charles Olsen Ferrer ng CNN at Nash Lim ng MPT Drivehub.
Sa huling 400 meters ay kumawala ang pitong siklista hanggang magrematehan sina Tugawin at Roseidi sa huling 50 meters patungo sa finish line.
“Nu’ng nakawala na kami, nag-usap-usap kaming mga Pilipino don, umikot lang ‘yung trangko. Para hindi foreigner ‘yung manalo ulit sa stage,” sabi ni Tugawin sa nasabing 1,821.1-kilometer, 14-stage race na inihahandog ng Philippine Sports Commission katuwang ang Philippine Olympic Committee at PhilCycling.
Nauna ng sumegunda si Tugawin kay Russian Ivan Anisimov ng LCW UAE Cycle sa isang mass finish sa Stage Five.
Si Tugawin ang ikalawang Pinoy na nanalo ng stage win matapos si Dave Montemayor ng Go for Gold Philippines sa Stage Three.
Samantala, patuloy ang pagsusuot ni Stage Seven winner Nikita Shulchenko ng LCW UAE Cycle ng yellow jersey mula sa nakolektang 22:48:34 para banderahan ang Individual General Classification.
Nasa likuran pa rin ni Shulchenko sina LCW-UAE teammate at Stage One winner Yousef Ibrahiem Alrefai (-00:01:38) at Mervin Corpuz ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines (-00:04:15).
Hindi rin matibag ang nangungunang Go for Gold sa Team General Classification sa kanilang naitalanang oras na 90:22:18 kasunod ang Standard Insurance (0:1:17) at 7-Eleven Cliqq (-0:3:04).
- Latest




















