Ika-4 dikit target ng NLEX sa Titan Ultra

MANILA, Philippines — Gusto ng NLEX na isara ang elimination round ng Season 50 PBA Commissioner’s Cup sa pamamagitan ng panalo.
Haharapin ng Road Warriors ang sibak nang Titan Ultra Giant Risers ngayong alas-5:15 ng hapon kasunod ang krusyal na salpukan ng TNT Tropang 5G at Magnolia Hotshots sa alas-7:30 ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Solo ng NLEX ang liderato bitbit ang 9-2 record kasunod ang Barangay Ginebra (8-3), Rain or Shine (8-3), Meralco (7-3), TNT (6-4), Phoenix (6-4), San Miguel (5-5), Magnolia (5-5), Terrafirma (4-6), Converge (4-7), Terrafirma (3-6), Titan Ultra (2-8), guest team Macau (2-9) at Blackwater (2-9).
Ang top four teams matapos ang eliminasyon ang bibigyan ng ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals.
Ang Road Warriors, nasa isang three-game winning streak, ang unang nakakuha ng incentive.
“Ang ano lang diyan, where do you want to be? Do you want to be at the top and have the twice-to-beat against the championship teams that have been there or do you want to be at the bottom and play and win twice with the championship teams?” tanong ni coach Jong Uichico.
Nasa isang five-game losing slump naman ang Giant Risers na hangad din ang panalo sa pagtatapos ng kanilang kampanya.
“Even non-bearing na rin pero still we’d like to come in with a mindset of doing the right things, whether may bearing o wala ‘yung laro. So importante iyon,” dagdag ng 63-anyos na si Uichico, isang nine-time champion coach.
Panalo naman ang parehong target ng Tropang 5G at Hotshots sa kanilang mahalagang bakbakan para makapasok sa eight-team quarterfinals.
“We have to be prepared to beat somebody twice,” wika ni TNT mentor Chot Reyes sa pagsagupa nila sa Magnolia. “Nandun na ang mindset namin na we have to be ready to beat somebody twice.”
Matapos ang Hotshots, ang Gin Kings naman ang lalabanan ng Tropang 5G sa Mayo 10.
Kagaya ng TNT, kailangan din ng Magnolia ang panalo para mapormalisa ang pag-entra sa quarterfinals.
Ang Bolts ang pinakahuling laban ng Hotshots sa Mayo 10.
- Latest





















