Vargas, Buhain muling gigiyahan ang PAI

MANILA, Philippines — Muling gigiyahan nina president Miko Vargas at secretary general Eric Buhain ang Philippine Aquatics, Inc. (PAI) sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Muling nahalal sina Vargas at Buhain sa kanilang mga posisyon sa ginanap na PAI General Assembly at Election of Officers sa Century Park Hotel.
Nagsama-sama ang mga regional directors mula sa iba’t ibang panig ng bansa, kasama ang mga kinatawan mula sa lahat ng larangan ng aquatic sports na nagpapakita ng nagkakaisang layunin na palakasin at palawakin ang direksyon ng aquatic sports sa buong bansa.
Nahalal din sa kanilang mga puwesto para sa termino ng 2026–2028 sina Jojo Quilop bilang Vice President at Marie Antoinette Dimanche bilang Treasurer, habang itinalaga sina Anthony Reyes at Jess Arriola bilang Executive Directors.
Ang eleksyon ay nasaksihan at pinagtibay ni Atty. Wharton Chan, kinatawan ng Philippine Olympic Committee, upang matiyak na ang lahat ng hakbang ay alinsunod sa constitution and bylaws ng PAI.
Isa sa mga naging tampok sa pagtitipon ang pag-apruba sa mga pagbabago sa bylaws ng organisasyon.
Sa ilalim ng bagong istruktura, ang kasalukuyang hanay ng mga opisyal ay magsisilbi ng dalawang taon mula 2026 hanggang 2028.
Simula 2028, ang lahat ng susunod na mahahalal na opisyal ay magsisilbi na ng apat na taon—isang hakbang na naglalayong magbigay ng mas matatag na pamumuno at iayon ang pamamahala sa pangmatagalang layunin ng kaunlaran.
“Ipinagpapasalamat namin ang muling pagtitiwala sa amin. Ang panibagong mandatong ito ay nagbibigay-daan upang maipagpatuloy namin ang mga nasimulan at lalo pang mapalakas ang aming grassroots programs, na mahalaga sa pagtuklas at paghubog ng susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino sa aquatic sports,” ani Vargas.
Binigyang-diin naman ni Buhain, isang two-time Olympian, ang layunin ng organisasyon na maiangat ang antas ng Philippine aquatics sa pandaigdigang entablado.
“Malinaw ang aming pokus—ang makapaglinang ng world-class athletes habang tinitiyak na naaabot ng aming mga programa ang iba’t ibang komunidad sa buong bansa. Sa mas pinatibay na sistema, kumpiyansa kami na makalilikha pa kami ng mas maraming atletang magbibigay karangalan sa Pilipinas sa malalaking pandaigdigang kompetisyon,” pahayag ni Buhain.
Sa bagong halal na pamunuan at pinahusay na balangkas ng pamamahala, muling pinagtibay ng PAI ang kanilang pangako sa pagkakaisa, kahusayan, at tuloy-tuloy na pag-unlad sa lahat ng larangan ng aquatic sports.
Nakatakda ring paigtingin ng pederasyon ang kanilang grassroots programs sa pamamagitan ng serye ng short- at long-course tournaments, kasama ang Aquatics Lifesaver Training na isasagawa katuwang ang Philippine Life Saving at International Life Saving Federation.
Puspusan na ang paghahanda ng PAI para sa national tryouts sa open water swimming, artistic swimming, diving at water polo. Pipiliin ang mga atletang bubuo sa national team na sasabak sa Asian Games at iba pang international tournaments sa huling bahagi ng taon. (Russell Cadayona)
- Latest






















