Bounce back win pakay ng NU sa Ateneo
MANILA, Philippines — Huhugot muli ng puwersa ang defending champion National University kay rookie sensation Sam Cantada pagharap nila sa Ateneo de Manila University sa UAAP Season 88 women’s volleyball tournament sa UST Quadricentennial Pavilion sa Manila.
Magsisimula ang paluan ng Lady Bulldogs at Blue Eagles ngayong alas-3 ng hapon matapos ang bakbakan ng Adamson University Lady Falcons at University of the East Lady Warriors sa alas-11 ng umaga.
Pakay ng NU na makabangon mula sa 23-25, 23-25, 25-20, 25-21, 20-22 kabiguan sa Far Eastern University noong Marso 22 upang manatiling nakakapit sa second spot ng team standings.
Tangan ang 6-3 record, kaparehong karta ng Lady Bulldogs ang Lady Tamaraws.
Tumikada si Cantada ng 20 attacks sa talo nila sa FEU kaya asahang siya pa rin ang magiging pangunahing armas ni NU head coach Regine Diego.
Makakatuwang ni Cantada sina Evangeline Alinsug, Arah Ella Panique, Alexa Michole Mata at Minierva Maaya.
Subalit posible silang mapalaban nang husto dahil uhaw sa panalo ang Ateneo na pangalawa sa kulelat tangan ang 1-8 karta.
Ipaparada ng Blue Eagles sina Ana Hermosura, Geezel May Tsunashima at Alexia Marie Montoro upang ipantapat sa mga pambato ng Lady Bulldogs.
Samantala, nais namang ikahon ng Lady Falcons ang pangalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa Lady Warriors na may 0-9 baraha.
- Latest






















