Alex paldo na naman
MANILA, Philippines — Hindi lamang umaangat si Alex Eala sa world rankings dahil maging ang kanyang bank account ay patuloy na tumataba.
Tiba-tiba na naman ang Pinay netter dahil makasisiguro na ito ng $105,720 o katumbas ng mahigit P6.3 milyon sa pagpasok nito sa fourth round ng Miami Open na ginaganap sa Miami Gardens sa Florida.
Umusad si Eala sa fourth round matapos patumbahin si Magda Linette ng Poland sa iskor na 6-3, 7-6 (2) sa fourth round at Laura Siegemund ng Germany sa iskor na 6-7 (6), 6-3, 6-3, sa second round.
Aangat pa ang kikitain ni Eala kung mananalo ito sa kanyang susunod na laban kontra kay Karolina Muchova ng Czech Republic.
Kung papasok si Eala sa quarterfinals, makasisiguro ito ng $193,645 o katumbas ng mahigit P11.2 milyong premyo. May nakalaan namang $340,190 sa semifinalists, at $612,340 sa runner-up.
Tumataginting na $1,151,380 o mahigit P66 milyon ang nakalaan para sa magkakampeon.
Sa kanyang nakalipas na torneo, nakaabot sa fourth round si Eala sa BNP Paribas Open sa Indian Wells, California kung saan nagbulsa ito ng $105,720 o katumbas ng mahigit P6 milyon kasama pa ang 100 puntos na nakuha nito para sa WTA rankings.
- Latest

















