No. 29 na si Alex sa WTA rankings
MANILA, Philippines — Patuloy ang pag-angat ni Alex Eala sa world rankings matapos makuha ang bagong career-high na No. 29 sa bagong listahan na inilabas ng Women’s Tennis Association (WTA).
Umakyat si Eala ng tatlong puwesto mula sa kanyang dating posisyon na No. 32.
Malaking tulong ang nakalipas na kampanya ni Eala sa katatapos na BNP Paribas Open na ginanap sa Indian Wells, California.
Nakaabot si Eala sa fourth round ng Indian Wells dahilan upang makakuha ito ng karagdagang 120 puntos para mapaganda ang kanyang kabuuang puntos sa 1,542.
Nakatuntong si Eala sa fourth round matapos makuha ang walkover win kay world No. 4 Coco Gauff ng Amerika na nagpasyang magretiro dahil sa arm injury.
Lamang si Eala sa iskor na 6-2, 2-0 nang magretiro si Gauff.
Sunod na sasalang si Eala sa isa na namang WTA 1000 event — ang Miami Open na gaganapin sa Florida.
Sigurado na si Eala ng second round slot matapos mabiyayaan ng bye sa opening round.
Isa si Eala sa mga seeded players sa torneo.
Kaya naman may panahon pa si Eala para makapag ensayo at paghandaan ang kanyang makakalaban sa second round.
Haharapin nito ang mananalo sa pagitan nina Laura Siegemund ng Germany at Petra Marcinko ng Croatia na magtatagpo sa first round.
Inaasahang dudumugin naman ng Pinoy fans ang practice session ni Eala sa Miami Open.
Excited na ang mga Pinoy fans sa Florida na masilayan ang Pinay tennis sensation na patuloy na nagbibigay ng karangalan sa bansa.
- Latest





















