Top 4 target ng Cool Smashers

MANILA, Philippines — Matapos madiskaril sa pagsampa sa Qualifying Round, muling pipilitin ng Creamline na muling magawa ito sa pagharap sa Farm Fresh sa 2026 Premier Volleyball League All-Filipino Conference.
Haharapin ng Cool Smashers ang Foxies ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang banggaan ng mainit na Akari Chargers at Galeries Tower Highrisers sa alas-4 ng hapon sa Santa Rosa Sports Complex sa Laguna.
Sa tournament format, ang top four teams ang uusad sa Qualifying Round kung saan nakataya ang dalawang semifinal seats sa crossover matches.
Ang dalawang matatalo ang sasagupa sa mananalo sa Play-In stage na binubuo ng No. 5, 6, 7, 8, 9 at 10 teams para sa huling dalawang semis berths.
Solo ng PLDT ang liderato bitbit ang 7-1 record kasunod ang sister team Cignal (6-2), Creamline (5-2), Nxled (4-4), Akari (4-3), Farm Fresh (3-4), Choco Mucho (3-5), Capital1 Solar Energy (3-5), Galeries Tower (2-5) at ZUS Coffee (1-7).
Ibinabase ang team standings sa nakolektang total points.
Naibulsa na ng High Speed Hitters at Super Spikers ang unang dalawang Quarterfinal Round spots para sa pag-asang makapasok sa semifinals.
Nagtapos ang five-game winning streak ng Cool Smashers matapos matalo sa Chargers, 21-25, 24-26, 25-17, 21-25, sa huli nilang laro noong Huwebes.
“The good thing is nasa elims pa lang din naman, and we have more chances of hopefully, hopefully, getting into the semis,” ani veteran hitter Alyssa Valdez.
Wagi naman ang Foxies sa Flying Titans, 21-25, 25-22, 16-25, 25-18, 15-9, para tapusin ang two-game losing skid at buhayin ang pag-asa sa Top Four.
Muling makakatuwang ni Valdez sa Creamline sina Bernadette Pons, Jema Galanza, Tots Carlos, Michele Gumabao, Pangs Panaga, Bea de Leon at Jia De Guzman.
Itatapat ng Farm Fresh sina Trisha Tubu, Ces Molina, Riri Meneses, Royse Tubino, Mylene Paat, Ara Galang at Jolina dela Cruz.
Sa unang laro, pakay ng Chargers ang pang-limang sunod na ratsada para sa tsansa sa Top Four sa pagharap sa Highrisers na laglag sa tatlong dikit na kabiguan matapos gulatin ang Chameleons noong Pebrero 19.
“We can see the light, ‘yun lang ang gusto kong sabihin. We can see the light,” ani Akari coach Tina Salak matapos ang kanilang 25-21, 26-24, 17-25, 25-21 panalo sa Creamline noong Huwebes.
Nakalasap naman ang Galeries Tower ng 18-25, 22-25, 17-25 pagkatalo sa PLDT sa huli nilang laro noong nakaraang Martes.
- Latest
















