Junior Altas nakabawi sa Red Robins

MANILA, Philippines — Pumalo si Chollo Bustamante ng team-high 17 points para banderahan ang nagdedepensang University of Perpetual Help System DALTA sa 25-22, 25-23, 15-25, 26-24 pagresbak sa Mapua University sa pagtatapos ng elimination round ng NCAA Season 101 boys volleyball tournament kahapon sa Arellano Gym sa Taft Avenue, Pasay City.
Nagdagdag si Klarens Taino ng 16 markers at may 11 points si Gabriel Macatuno para sa pagresbak ng Junior Altas sa Red Robins na tumalo sa
kanila sa first round.
Tumipa si setter Donald Sison ng 14 excellent sets.
“Gustung-gusto talagang makabawi ng mga bata, kasi nga tinalo sila ng Mapua sa first round, kaya nagsipag sila at pampataas na din ng morale papunta sa quarterfinals,” sabi ni Perpetual Help coach Sandy Rieta.
Tinapos ng dalawang koponan ang eliminations na may parehong 11-2 kartada sa Group A, ngunit naagaw ng Mapua ang top seed dahil sa mas mataas na total points.
Nasayang ang hinataw na game-high 33 points ni Roderick Medino sa panig ng Mapua.
Samantala, wagi ang Colegio de San Juan de Letran Squires sa Arellano University Braves, 22-25, 25-22, 25-23, 25-27, 15-12, para makuha ang top spot sa Group B sa kanilang 11-2 marka.
May 10-3 karta ang Braves.
Magsisimula ang quarterfinals sa March 23.
- Latest
















