Cignal swak sa qualifying round

MANILA, Philippines — Inangkin ng Cignal ang ikalawang tiket sa Qualifying Round ng 2026 Premier Volleyball League All-Filipino Conference matapos walisin ang Capital1 Solar Energy, 25-22, 25-21, 25-20, kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Nagposte si Vanie Gandler ng 23 points mula sa 21 attacks at dalawang blocks para sa 6-2 kartada ng Super Spikers.
“It was a tough fight but I’m very happy, me and my teammates, to win the game,” sabi ni Gandler para sa kanilang ikalawang dikit na panalo matapos ang straight-set win sa ZUS Coffee Thunderbeles.
Nag-ambag si Erika Santos ng 13 markers habang may 13 excellent sets si setter Gel Cayuna.
Nahulog ang Solar Spikers sa ikalawang dikit na kabiguan para sa 3-5 baraha bagama’t nakahugot kay Bella Belen ng 16 points.
Sa unang laro, pumalo si Fil-Canadian Savi Davison ng 19 points para gabayan ang PLDT sa 23-25, 25-21, 25-19, 25-19 paggupo sa Choco Mucho at patibayin ang tsansa sa No. 1 spot sa Qualifying Round.
Nag-ambag si Kim Kianna Dy ng 17 markers para sa 7-1 record ng High Speed Hitters tampok ang four-game winning streak.
“Siguro na-gain talaga namin from experience na rin na kapitan kahit nag-struggle sa simula,” ani coach Rald Ricafort sa first set. “Hindi naman nawala kahit papaano at nakapag-adjust.”
May 13 points si Majoy Baron kasunod ang 10 markers ni Alleiah Malaluan na iniskor ang huling dalawang puntos ng laro sa fourth set.
Naglista si Sisi Rondina ng game-high 23 points habang may 15 markers si Kat Tolentino para sa 3-5 marka ng Flying Titans na laglag sa dalawang dikit na kabiguan.
- Latest



















