Pistons itinakas ni Harris sa Nuggets

DENVER — Kumamada si Tobias Harris ng 22 points, kasama ang dalawang free throws sa huling dalawang segundo para sa 109-107 pagtakas ng Detroit Pistons sa Nuggets.
Kumolekta si Cade Cunningham ng 22 points at 11 assists para sa pang-siyam na panalo ng Detroit (34-11) sa huling 11 laro at patuloy na pamunuan ang Eastern Conference.
Tumipa si Jamal Murray ng 24 points at 10 assists, ngunit naimintis ang dalawang free throws para sa Denver (31-16).
Kumonekta si Murray ng dalawa sa tatlong foul shots sa huling apat na segundo matapos ma-foul sa three-point line para ilapit ang Nuggets sa 105-107.
Nakahugot din ng foul si Harris at isinalpak ang dalawang free throws para sa 109-105 abante ng Pistons sa nalalabing dalawang segundo.
Ipinasok ni Murray ang una niyang free throw sa huling 0.7 segundo, subalit naimintis ang ikalawang foul shot para sa 107-109 agwat ng Denver.
Nagbalik si Jonas Valanciunas sa Nuggets lineup mula sa isang one-game absence para humakot ng 16 points at 16 rebounds at saluhin ang naiwang trabaho ni injured star center Nikola Jokic.
Sa iba pang laro, pinapak ng nagdedepensang Oklahoma City Thunder ang New Orleans Pelicans, 104-95; wagi ang Washington Wizards sa Portland Trail Blazers, 115-111; nirapido ng New York Knicks ang Sacramento Kings, 103-87; at pinadapa ng Philadelphia 76ers ang Milwaukee Bucks, 139-122.
- Latest






















