Almeniana pasikat sa 2-0 record ng Lady Altas

MANILA, Philippines — Humataw si Cyrille Almeniana ng 18 points mula sa 16 attacks at dalawang service aces para muling banderahan ang University of Perpetual Help System DALTA sa 25-19, 25-21, 25-21 demolisyon sa Jose Rizal University sa NCAA Season 101 women’s volleyball tournament kahapon sa San Andres Sports Complex sa Manila.
Nagdagdag si outside spiker Jemalyn Menor ng 14 markers habang may 11 points si Shai Omipon para sa 2-0 kartada ng Lady Altas sa Group A.
Laglag ang Lady Bombers sa 0-2 marka.
Nauna nang bumanat si Almeniana ng 27 points sa kauna-unahang panalo ng Perpetual sa nagdedepensang College of Saint Benilde simula noong 2019.
“Ang ginawa ko while nasa injury list ako last year, habang nagpapagaling at nagte-therapy, pinag-aralan ko ang mga dapat kong i-improved sa sarili ko para makatulong sa team,” ani Almeniana.
Tumipa si setter Fianne Ariola ng 19 excellent sets, samantalang may 15 excellent digs si libero Joanne Lozano para sa tropa ni coach Sandy Rieta.
Pinangunahan ni Czarina Ramos ang Jose Rizal sa kanyang 12 points.
Samantala, tinalo ng JRU ang Perpetual, 25-17, 26-28, 25-22, 17-25, 15-9, sa men’s division.
- Latest




















