4 Pinoy pugs susuntok ng ginto

MANILA, Philippines — Apat na Pinoy boxers ang magtatangkang sumuntok ng gintong medalya sa paglarga ng finals ng 2025 Southeast Asian Games boxing competitions ngayong araw sa Chulalongkorn Sports Center sa Bangkok, Thailand.
Inaasahang ibubuhos na nina Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Marcial, Paris Olympics veteran Aira Villegas, Jay Brian Baricuatro at Flint Jara ang buong lakas nito para makasiguro ng ginto sa kani-kaniyang dibisyon.
Ngunit hindi magiging madali ang laban para sa Pinoy pugs dahil sa apat na boxers, tatlo rito ang haharap laban sa hometown bets.
Tanging si Marcial lamang ang lalaban sa non-Thai boxers kung saan makakasagupa nito sa gold medal match ng men’s 80kg class si Maikhel Muskita ng Indonesia.
Mataas ag moral ni Marcial sa pag-entra nito sa finals dahil galing ito sa matikas na knockout win kay Vietnamese fighter Manh Cuing Nguyen sa semifinals.
Sa kabila ng magarbong panalo, walang balak maging kampante si Marcial dahil matikas din ang Indonesian boxer na makakalaban nito na galing sa panalo kontra kay Thai bet Jakkapong Yomkhot sa semis.
Desidido si Marcial na ilatag ang bagsik nito upang makuha ang ika-limang sunod na gitnong medalya sa SEA Games.
“Gagawin ko ang lahat para makuha ko ‘yung gold,” dagdag ni Marcial.
Mapapalaban naman nang husto sina Villegas, Barcuatro at Jara sa kano-kaniyang finals matches.
Sasagupain ni Villegas si Raksat Chuthamat ng Thailand sa women’s 48kg. class habang lalaban naman si Baricuatro kay Thai bet Thitiwat Phlongaurai sa men’s 48 kg. at tatapatan ni Jara ang isa pang Thai pug na si Thanarat Saengphet sa men’s 54kg.
- Latest


















