POC target ang AYG hosting

MANAMA, Bahrain — Nagparamdam ng interes ang Philippine Olympic Committee (POC) na pamahalaan ang Asian Youth Games (AYG).
Maaari itong mangyari kung magbibigay ng suporta ang gobyerno, ayon kay POC president Abraham ‘Bambol’ Tolentino.
“Kung ba-back-up-an ako ng government,” ani Tolentino sa pulong ng Olympic Council of Asia sa ginaganap na 101st Executive Board dito sa Art Hotel and Resort bago ang opening rites ng Asian Youth Games sa Exhibition World Bahrain.
Idaraos ang susunod na Asian Youth Games sa 2029 kasunod sa 2031.
Muling nanawagan si Tolentino, miyembro ng OCA Executive Board, ng pagtutulungan para mabigyan ang mga batang Filipino athletes ng pagkakataong makalahok sa AYG.
“May pupuntahan talaga ang mga atleta sa Palaro, Batang Pinoy, ‘yung grassroots talaga,” ani Tolentino. “Actually, nag-heads up ako eh, it’s up to the government eh. Dalawa ‘yung hineads up ko—if you want, we’re being considered—Asian Beach Games and AYG.”
Opisyal na binuksan ang 2025 AYG sa Bahrain noong Miyerkules ng gabi para sa pagsisimula ng major youth sporting spectacle na nagtatampok sa pagsabak ng 4,300 athletes sa 253 events sa 24 sports.
Ang Team Philippines ay naglahok ng 141-strong delegation para sa nasabing event.
Si Kram Airam Carpio ang nagbigay sa bansa ng unang gold matapos manalo sa pencak silat girls’ 51–55 kg division sa 33–19 pagdaig kay Qiken Dwi Tata Olifia ng Indonesia noong Lunes.
- Latest


















