Bulldogs sososyo sa liderato vs Tamaraws
MANILA, Philippines — Nasa kukote ni Jake Figueroa at ng National University na sakmalin ang makakatapat na Far Eastern Univerity upang sumalo sa tuktok ng team standings ng UAAP Season 88 men’s basketball tournament.
Magsisimula ang labanan ng Bulldogs at Tamaraws sa alas-2 ng hapon na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum at susunod ang bakbakan naman sa pagitan ng University of Sto. Tomas at last year’s runner-up De La Salle ang masisilayan ng mga fans sa alas-4:30 ng hapon.
Siksikan sa pangalawang puwesto ang Bulldogs, Growling Tigers at Green Archers na may tig-1-0 baraha habang solo sa unahan ang Ateneo de Manila University na hawak ang 2-0 card.
Humugot ng puwersa si NU head coach Jeff Napa kay Figueroa nang kalusin nila ang University of the East, 72-57 sa una nilang laro noong Linggo, tumikada ito ng 16 points, anim na rebounds, limang steals at tatlong assists.
Para kay Napa, kailangan lang na maayos ang kondisyon ng pangangatawan ng kanyang mga bataan basta walang injury para magpatuloy ang maganda nilang simula.
Makakatulong ni Figueroa sina Paul Francisco, Kenshin Padrones at Foreign Student Athlete Omar John para maduplika ang kanilang panalo.
Samantala, asahang magiging determinado ang FEU dahil nais nilang makabangon agad mula sa pagkakadapa sa unang laro kontra Ateneo, 83-86.
- Latest























