SSL Batangas Leg sinuwag ng Lady Tamaraws

BATANGAS CITY, Philippines — Ang korona ng parating na 2025 Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-Season Championship ang sunod na target ng Far Eastern University.
Ito ay matapos talunin ng Lady Tamaraws ang St. Benilde Lady Blazers, 25-21, 25-16, 25-19, para pagreynahan ang SSL National Invitationals Batangas Leg noong Linggo sa University of Batangas Millennium Gym dito.
“So, hopefully, madala namin ‘yung nangyari ngayon, ‘yung experience namin ngayon, ‘yung maturity ng team, especially ‘yung chemistry,” ani FEU coach Tina Salak.
Sa pamumuno ni Best Player of the Batangas Leg Faida Bakanke kasama sina veterans Gerzel Petallo, Jazlyn Ellarina, Alyzza Devosora at top setter Tin Ubaldo ay winalis ng Lady Tamaraws ang final stop ng three-leg tournament na itinaguyod ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
“Iyong nangyari ngayon, kasi magandang buwena-mano kumbaga. So, gusto ko ma-experience nila ‘yung feeling na ganito dapat lagi every game,” dagdag ni Salak.
Bago daigin ang St. Benilde ay tinalo muna ng FEU ang Letran at host school University of Batangas para makasama sa mga leg winners National University (Davao) at Adamson University (Cebu) sa torneong sinuportahan ng Asics, Mikasa, Smart Sports, F2 Logistics, Team Rebel Sports, Belo Deo, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.
Magkakaroon ang Lady Tamaraws ng higit sa dalawang linggong preparasyon para sa SSL Collegiate Pre-season Championship na magtatampok sa mga UAAP at NCAA squads.
“We’ll see kung sino ‘yung magiging ka-bracket namin for the next league. Mas exciting kasi ‘yun kasi ‘yun na ‘yung preseason for UAAP. So, labasan na talaga lahat doon ng baraha,” ani Salak.
- Latest

















