Bossing umiskor sa Fuel Masters
MANILA, Philippines — Diniskaril ng Blackwater ang coaching debut ni Willy Wilson para sa Phoenix, 94-81, sa 2025 Kadayawan Invitational Basketball Tournament kamakalawa ng gabi sa University of Southeastern Philippines sa Davao City.
Nagbuhos ng anim na tres si Sedrick Barefield tungo sa game-high na 28 points upang trangkuhan ang Bossing na gutom na makabawi sa paparating na PBA Season 50.
Umalalay sa kanya sina Troy Mallilin at Jed Mendoza na may 17 at 16 markers, ayon sa pagkakasunod, para sa mga manok ni coach Jeff Cariaso.
Bagong hugot ng Blackwater si Mendoza mula sa Magnolia matapos mapaso ang kontrata nito at umaasang makakasikwat ng roster spot bago ang pagbubukas ng makasaysayang ika-50 taon ng PBA sa Oktubre.
Hindi sumapat ang tig-12 points nina Jason Perkins at Kai Ballungay para mabigyan sana ng unang panalo si Wilson na dati nilang assistant coach bago ma-promote bilang chief tactician.
Itinalaga ng Phoenix si Wilson, dati ring player ng koponan, bilang kapalit ni Jamike Jarin na team consultan ngayon.
Samantala, wagi rin ang NLEX kontra sa Converge, 95-88, kahit pa muntikang tumirik matapos makapagtayo ng 18-point lead.
Kumamada ng 22 points si star guard Robert Bolick, habang may 14 at 12 markers sina Brandon Ramirez at Robbie Herndon, ayon sa pagkakasunod, para sa mga bataan ni coach Jong Uichico.
Napurnada ang tig-11 points nina Justine Baltazar, Alec Stockton, Bryan Santos at King Caralipio para sa FiberXers ni coach Franco Atienza.
Sunod na maghaharap ang NLEX at Blackwater.
- Latest
















