SGA umeskapo sa Malaysia
MANILA, Philippines — Wala pa ring galos ang reigning champion na Strong Group-Philippines matapos makaiwas ng silat kontra sa Malaysia, 106-98, sa 2025 William Jones Cup kahapon sa Xinzhuang Gymnasium sa Taiwan.
Kumamada ng 20 puntos sa pambihirang 7-of-10 shooting si DJ Fenner para gabayan sa 6-0 kartada ang Strong Group papasok sa bigatin nitong duwelo kontra sa kapwa unbeaten na Bahrain.
Magtatapat ang Strong Group at Bahrain sa alas-3 ng hapon ngayon tampok ang halos abot-kamay nang titulo sa nine-team tourney.
Walang championship match sa torneo kaya kung sinong No. 1 sa pagtatapos ng eliminasyon ay siyang mag-uuwi ng korona.
Nagawa ito ng Nationals sa kabila ng limitadong aksyon ni dating NBA standout Andre Roberson na naglaro lang ng halos 7 minuto at Tajuan Agee na hind sumalang upang maghanda sa Bahrain.
Sa kawalan nila, umariba para sa local crew ni coach Charles Tiu sina Kiefer Ravena, NCAA MVP Allen Liwag at Dave Ildefonso na may 17, 16 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Tumabo rin ng 12 puntos at 10 rebounds na double-double sina Geo Chiu.
“It was not the best game for us defensively, but we got the job done. Now all focus for us is our game tomorrow against Bahrain — our championship game,” ani head coach Charles Tiu.
Lumamang ng hanggang 23 puntos ang Strong Group, 87-64, subalit kinailangan ang huling bira para mapigilan ang nag-aapoy na Malaysians sa pangunguna ng 50 puntos ni Steven Green.
- Latest


















