Celtics, Pacers sumampa sa semis

BOSTON — Nagposte si Jayson Tatum ng 35 points, 10 assists at 8 rebounds sa 120-89 pagsibak ng nagdedepensang Celtics sa Orlando Magic sa Game 5 patungo sa Eastern Conference semifinal round.
Nagdagdag si Jaylen Brown ng 23 points para sa Boston na lalabanan sa semifinals ang mananalo sa serye ng New York Knicks at Detroit Pistons.
Hindi pa nananalo ang Magic sa isang playoff series sapul nang akayin sila nina Dwight Howard, Vince Carter at coach Stan Van Gundy sa Eastern Conference finals noong 2010.
Kinuha ng Celtics ang 83-62 abante sa pagtatapos ng third period matapos maiwanan sa 47-51 patungo sa pagsasara ng kanilang serye sa 4-1.
Sa Indianapolis, ipinasok ni Tyrese Haliburton ang isang go-ahead layup sa huling 1.3 segundo para sa 119-118 overtime win ng Indiana Pacers sa Milwaukee Bucks sa Game 5 papasok sa East semifinals.
Tinapos ng Pacers sa 4-1 ang kanilang best-of-seven first-round series ng Bucks para harapin ang Cleveland Cavaliers, winalis ang Miami Heat, sa semis.
Sa Denver, kumamada si Jamal Murray ng 43 points sa 131-115 panalo ng Nuggets sa Los Angeles Clippers sa Game 5 para sa kanilang 3-2 abante sa serye.
Sa New York, nagtala si Cade Cunningham ng 24 points, 8 rebounds at 8 assists sa 106-103 pagtakas ng Detroit Pistons sa Knicks sa Game 5 para dumikit sa 2-3 sa kanilang duwelo.
- Latest

















