EJ rumesbak sa mga bashers ni Eala

MANILA, Philippines — Dinepensahan ni EJ Obiena ang kapwa niya national athlete na si Alex Eala mula sa mga kritisismong natatanggap sa kasagsagan ng sunud-sunod na semplang sa WTA Tour.
“We are human. Athletes may sometimes be treated like gods. But we are not. We have good days and bad days, just like everyone else. One result cannot define a person,” anang world No. 10 na si Obiena sa kanyang post sa Facebook.
Support matters. If you want to help Alex, me, or any athlete, pick us up when we are down. Harsh comments are not the support that helps us return stronger.”
Paraan ito ng pag-suporta ni Obiena kay Eala na tatlong beses nasilat ngayong buwan sa mas mababang ranggong manlalaro sa WTA Tour at sa 20th Asian Games, kung saan nadepensahan naman ni Obiena ang kanyang korona sahog pa ang bagong Asian record.
Bilang No. 3 seed sa WTA 500 Singapore Open ay nalaglag agad sa Round of 16 si Eala kontra sa No. 180 na si Tatiana Prozorova ng Russia bago masibak agad sa Round 1 ng WTA1000 Wuhan Open bilang No. 13 seed kontra sa No. 217 na si Han Shi ng China.
Bukod pa rito ang kapos niyang tangka sa gintong medalya sa Asiad bilang No. 1 seed matapos yumukod kay No. 85 Xiyu Wang ng China.
Dating world No. 18 ang 21-anyos na si Eala na siyang pinakamataas sa kasaysayan ng Southeast Asia na dahilan ng kritisismo ng mga kapwa Pinoy kontra sa mga nasa labas ng Top 100 WTA rankings.
- Latest




















