Lady Bulldogs ayaw pakampante
MANILA, Philippines — Walang balak magpakampante ang defending champion National University sa kabila ng pagkopo nito ng twice-to-beat advantage sa Final Four ng UAAP Season 87 women’s volleyball tournament.
Pasok na sa semis ang Lady Bulldogs tangan ang importanteng bonus na magiging armas nito upang makabalik sa finals.
Ngunit wala sa isip ng Lady Bulldogs na magpahinga lalo pa’t mas tumataas na ang lebel ng laro ng lahat ng teams sa pagpasok ng krusyal na estado ng torneo.
Patunay nito ang pag-angat ng ibang teams partikular na ang mga lower teams na nagtatala ng upset win laban sa mga higher ranked teams sa standings.
Isa na rito ang NU na umani ng talo sa kamay ng Adamson kamakailan.
Lumasap din ng kabiguan ang De La Salle University sa University of the Philippines para manatiling buhay ang kanilang pag-asa para sa semis spot.
Kaya naman para kay reigning MVP Bella Belen, hindi dapat magkumpiyansa ang Lady Bulldogs sa bawat laro nito.
“Hindi naman po kami hihindi porket nakuha na namin yung twice-to-beat. May last game pa po kami so siguro kailangan pa naming puliduhin kung ano man yung mga lapses namin this game like unnecessary errors,” ani Belen.
Nakuha ng NU ang twice-to-beat matapos pataubin ang Ateneo, 25-19, 25-15, 25-21, para umangat sa 11-2 rekord.
- Latest