Reward para sa LA Olympics medalist naghihintay na sa Tagaytay
MANILA, Philippines — Nakaabang na ang pabuya para sa sinumang Pilipinong atleta na makapag-uuwi ng medalya sa 2028 Olympic Games sa Los Angeles, California.
Nasa Tagaytay City ang naturang reward na manggagaling sa Philippine Olympic Committee (POC).
Naghihintay na ang lote sa Prime Peak Town House subdivision sa Barangay Silang Crossing West sa Tagaytay City sa Cavite.
Ito rin ang parehong lugar kung saan nakatayo ang bahay nina Paris Olympics double gold medalist Carlos Edriel Yulo ng gymnastics, at bronze medalist Aira Villegas at Nesthy Petecio ng boxing.
Mismong si POC president Abraham ‘Bambol’ Tolentino na rin ang nagsiwalat ng pabuya para sa LA Olympics medalists sa isang video na inilabas ng POC social media account.
Nakalagay na rin sa lote ang karatulang may nakasaad na “reserved for LA 2028 medalist.”
Kaya naman mas lalong gaganahan ang mga atleta na magkwalipika sa LA Olympics at manalo ng medalya.
Binigyan si Yulo ng house and lot sa Tagaytay matapos manalo ng dalawang gintong medalya sa Paris Games habang may sariling bahay din sina Petecio at Villegas na may tig-isang tanso sa boxing.
Pormal nang naibigay kina Yulo, Petecio at Villegas ang kani-kanyang mga bahay kung saan nagkaroon pa ng house blessing.
Ang two-storey house ni Yulo ay nagkakahalaga ng P15 milyon.
Sa Tagaytay din binigyan ng bahay sina Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz, silver medalist Carlo Paalam at Petecio, at bronze medalist Eumir Marcial.
- Latest