Collegiate squads ng Pinas kakasa sa Japan at Amerika

MANILA, Philippines — Mapapasabak ang local collegiate squads ng bansa kontra sa dalawang dayong koponan mula sa Japan at Amerika sa kauna-unahang PinoyLiga Global Invitationals.
Ipinakilala kahapon ni PinoyLiga Cup tournament director Benny Benitez ang Nagoya Gakuin University at Fil-Am Nation Select bilang dalawang koponang hahamon sa mga pambato ng Pilipinas sa parehong men’s at women’s division.
Sa five-team men’s division lang lalaro ang Fil-Am Nation habang parehong may kinatawan ang Japanese team na Nagoya sa men’s division at women’s division na may limang teams din na umarangkada na rin kahapon at tatakbo hanggang Linggo.
“It’s a dream come true for PinoyLiga Cup to finally have a tournament with international flavor. We’re very happy they accepted our invitation to play in the Global Invitational Cup,” ani Benitez sa media availability ng Nagoya kamakalawa sa Gameville Sports Bar sa Mandaluyong City.
Umaasa si Benitez na siya ring naglunsad ng PinoyLiga Collegiate Cup Big Dance ala-US NCAA March Madness tampok ang 28 collegiate teams sa buong bansa, na madadagdagan pa ang mga bansang sasali sa makasaysayang Global Invitational Cup.
Ilan dito ay ang mga koponan mula sa Korea, Taiwan, US, Australia at New Zealand sa mga susunod na desisyon subalit ngayon, nakatuon muna ang atensyo nila sa unang torneo na inaasahang babanderahan ng Nagoya.
“We played De La Salle University (in Japan), and we know they (Filipinos) play physically. We’re ready, we’re excited and we’ll try to win all our games here,” ani head coach Hideki Takenoshita ng Nagoya na kampeon sa iba’t ibang Japanese collegiate leagues.
Makakalaban ng Nagoya sa pangunguna ng team captain na si Hayate Mitsuhashi ang Fi-Am Nation, Emilio Aguinaldo College ng NCAA, University of Santo Tomas at University of the East ng UAAP sa men’s division.
Paborito rin ang Nagoya sa pamumuno ni team captain Rika Uenohara sa women’s division kontra sa UST, Ateneo at UP ng UAAP pati na sa Women’s Maharlika Pilipinas Basketball League (WMPBL).
- Latest