Giannis bumandera sa panalo ng Bucks

MILWAUKEE - Umiskor si Giannis Antetokounmpo ng 23 points para tulungan ang Bucks sa 116-110 pagpapatumba sa Los Angeles Clippers.
Nagbalik si Antetokounmpo para sa Milwaukee (30-24) matapos mawala ng anim na laro dahil sa strained calf.
Nagdagdag si Brook Lopez ng 22 points para sa kanilang pagbangon mula sa isang 13-point, fourth-quarter deficit.
Kumonekta si Kawhi Leonard ng 25 points para sa Los Angeles (31-24), habang may 24 markers si James Harden at humakot si Ivica Zubac ng 20 points at 15 rebounds.
Hinirang si Harden bilang 13th player sa NBA history na nakasampa sa 27,000-point mark.
Naglaro ang Bucks na wala si Bobby Portis na napatawan ng 25-game suspension matapos magpositibo sa paggamit ng painkiller na Tramadol na isang paglabag sa NBA anti-drug program.
Sa New York, kumamada si Donovan Mitchell ng 26 points sa 110-97 pagtuhog ng Cleveland Cavaliers (45-10) sa Brooklyn Nets (20-35).
Sa Atlanta, nagposte si Paolo Banchero ng 36 points, 10 rebounds at 5 assists sa 114-108 pagpulutan ng Orlando Magic (28-29) sa Hawks (26-30).
Sa Denver, bumanat si Jamal Murray ng 34 points, habang nagkuwintas si Nikola Jokic ng 29 points, 17 rebounds at 9 assists sa 129-115 paggupo ng Nuggets (37-19) sa Charlotte Hornets (14-40).
Sa Austin, Texas, umiskor si De’Aaron Fox ng 26 points para igiya ang San Antonio Spurs (24-29) sa 120-109 pagpapalubog sa Phoenix Suns (26-29).
Sa New York, nagkadena si center Karl-Anthony Towns ng 32 points at 18 rebounds sa 113-111 overtime win ng Knicks (37-18) kontra sa Chicago Bulls (23-24).
- Latest


















