Eala nadiskaril kay Shnaider ‘

MANILA, Philippines — Muling natalo si Pinay tennis sensation Alex Eala kay Russian star Diana Shnaider sa kanilang ikalawang sunod na pagtutuos ngayong taon.
Yumukod si Eala kay Shnaider, 6-2, 6-7 (5), 4-6, sa kanilang quarterfinals match sa 2026 Toray Pan Pacific Open kahapon sa Tokyo, Japan.
Ito ang ikalawang kabiguan ng World No. 19 na si Eala sa No. 13 na si Shnaider matapos ang 5-7, 4-6 pagyukod sa Round of 16 ng nakaraang Ningbo Open sa China noong nakaraang linggo.
Dinomina ni Eala si Shnaider sa first set para kunin ang 6-2 panalo mula sa kanyang mabisang baseline game.
Pinuwersa naman ng Russian ang Pinay tennis ace sa tiebreak sa second frame.
Ang double fault ni Eala ang nagbigay kay Shnaider ng set point bago makatabla at makahirit ng decider.
Nakuha ni Shnaider ang 3-1 bentahe sa third set kasunod ang pagtawag ni Eala ng medical timeout para patingnan ang kanyang right ankle.
Nagawa pang makatabla ni Eala sa 4-4 hanggang tuluyang angkinin ni Shnaider ang sumunod na dalawang laro.
Bago ang rematch kay Shnaider ay tinalo muna ng 21-anyos na si Eala si Talia Gibson ng Australia, 4-6, 6-2, 6-0, sa Round of 16 ng WTA 500 event.
Sinimulan ni Eala ang kanyang misyon sa 6-1, 6-2 demolisyon laban sa 17-anyos na British wildcard na si Mika Stojsavljevic sa Round of 32.
Matapos ang nabigong kampanya sa Toray Pan Pacific Open ay susubok naman si Eala sa Hong Kong Tennis Open na hahataw sa susunod na linggo.
- Latest






















