Bolts pumuwersa ng ‘Do-or-Die’ sa Gin Kings
MANILA, Philippines — Niresbakan ng No. 5 Meralco ang No. 4 Barangay Ginebra sa Game Two, 108-104, para itabla ang kanilang quarterfinals series sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Bumangon ang Bolts mula sa 92-100 kabiguan sa Game One para puwersahin ang Gin Kings sa ‘do-or-die’ Game Three bukas sa Ynares Center sa Antipolo City.
Ang mananalo ang sasagupa sa No. 1 NorthPort, sinibak ang No. 8 Magnolia sa quarterfinals, sa best-of-seven semifinals series.
Bumanat si Chris Newsome ng 24 points para sa Meralco, habang may 17 markers si Cliff Hodge kasunod ang 15 points ni Jansen Rios.
Nalimitahan si import Akil Mitchell sa 13 points.
“Whatever way we got it, whatever it takes to take this win, we did that,” wika ni oach Luigi Trillo.
Pinamunuan ni import Justin Brownlee ang Ginebra sa kanyang 36 points at may 21, 12 at 10 markers sina Scottie Thompson, RJ Abarrientos at Japeth.Aguilar, ayon sa pagkakasunod.
Maagang nagtayo ng 22-12 abante ang Bolts sa first period bago nakadikit ang Gin Kings sa halftime, 53-58.
Sa third quarter ay muling lumayo ang Meralco sa 77-65 sa patungo sa 108-99 kalamangan sa huling 1:42 minuto ng fourth canto.
Ang three-point shot at dalawang free throws ni Jamie Malonzo ang naglapit sa Ginebra sa 104-108 sa nalalabing 34 segundo.
Bigo ang Bolts na makaiskor at sablay ang four-point shot attempt ni Abarrientos para sa Gin Kings.
- Latest