Batang Pier lider na
MANILA, Philippines — Nalampasan ng NorthPort ang paghahabol ng Magnolia sa dulo ng fourth quarter para itakas ang 107-103 panalo sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Sinolo ng Batang Pier ang liderato sa kanilang 3-0 kartada kasabay ng paghuhulog sa Hotshots sa ikalawang dikit na kabiguan sa tatlong laro.
Ang dalawang free throws ni Fran Yu sa huling 8.3 segundo kasunod ang kanyang agaw kay Magnolia forward Joseph Eriobu ang nagpreserba sa panalo ng NorthPort.
Umiskor si import Kadeem Jack ng 30 points para banderahan ang Batang Pier habang may 27 at 25 markers sina Arvin Tolentino at Joshua Munzon, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni rookie guard Jerom Lastimosa ang Hotshots sa kanyang 27 points habang nalimitahan si balik-import Ricardo Ratliffe sa 10 markers.
Matapos kunin ng Magnolia ang 78-77 abante sa pagtatapos ng third period ay kumawala ang NorthPort sa fourth quarter bitbit ang 13-point lead, 94-81, sa 5:14 minuto nito.
Nagtuwang sina Lastimosa at Aries Dionisio para idikit ang Hotshots sa 103-105 sa huling 9.0 segundo.
Ang dalawang charities ni Fran mula sa foul ni Mark Barroca ang naglayo sa Batang Pier sa 107-103 sa nalalabing 8.3 segundo.
Samantala, ipaparada ng Terrafirma (0-3) si import Brandon Edwards bilang kapalit ni Ryan Richards na hindi na ipinasok sa second half ng kanilang 85-104 kabiguan sa NLEX (2-1) noong Martes.
Ang 6-foot-6 na si Edwards ang siya sanang reinforcement ng Dyip sa nakaraang Governors’ Cup kundi lamang nagkaroon ng knee injury isang linggo bago magbukas ang torneo.
- Latest