Record ng Cavs minantsahan ng Celtics
BOSTON — Winakasan ng nagdedepensang Celtics ang 15 sunod na arangkada ng Cleveland Cavaliers matapos agawin ang 120-117 panalo sa isang NBA Cup game.
Kumolekta si Jayson Tatum ng 33 points, 12 rebounds at 7 assists para banderahan ang panalo ng Boston (12-3) sa Cleveland (15-1).
Anim pang players ang nagtapos sa double figures para sa host team.
Nagsalpak ang Celtics ng 22 three-point shots para magposte ng 21-point lead sa third period.
Nagawang makadikit ng Cavaliers sa 86-88 sa nasabing yugto.
Pinamunuan ni Donovan Mitchell ang Cleveland sa kanyang 35 points, habang naglista si Evan Mobley ng 22 markers, 11 rebounds at 6 assists.
Sa Memphis, hinirang si Russell Westbrook bilang unang player na nagposte ng 200 triple-doubles sa kanyang 12 points, 14 assists at 10 rebounds sa 122-110 paggupo ng Denver Nuggets (8-5) sa Grizzlies (8-7).
Sa San Antonio, tumipa si Keldon Johnson ng 22 points at may 20 markers si Harrison Barnes sa 110-104 pananaig ng Spurs (7-8) sa Oklahoma City Thunder (11-4).
Sa Los Angeles, nagpaputok si Dalton Knecht ng 37 points tampok ang siyam na triples sa 124-118 paggiba ng Lakers (10-4) sa Utah Jazz (3-11).
Sa Dallas, umiskor si Luka Doncic ng game-high 26 points sa 132-91 pagrapido ng Mavericks (8-7) sa New Orleans Pelicans (4-11).
Sa New York, bumanat si Cam Johnson ng 34 points, habang nagtala si Dennis Schroder ng 14 points at 12 assists sa 116-115 pagtakas ng Brooklyn Nets (6-9) sa Charlotte Hornets (5-9).
- Latest