Cignal, Chery Tiggo sososyo sa unahan
MANILA, Philippines — Kasabay ng pagdating ni veteran libero Buding Duremdes ay ang pagtarget ng Cignal HD sa pagsosyo sa liderato ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Sasagupain ng HD Spikers ang Chery Tiggo Crossovers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Choco Mucho Flying Titans at Capital Solar Spikers sa alas-6:30 ng gabi sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Tabla sa itaas ng team standings ang PLDT at Akari sa magkatulad nilang 2-0 baraha kasunod ang nagdedepensang Creamline (1-0), Cignal (1-0), Chery Tiggo (1-0), ZUS Coffee (1-1), Petro Gazz (1-1), Choco Mucho (1-1), Capital1 (0-1), Farm Fresh (0-1), Nxled (0-2) at Galeries Tower (0-3).
Humataw ang HD Spikers ng 25-15, 25-18, 25-21 panalo sa Foxies sa una nilang laro.
“We still have a lot of things we can execute better. The good thing is that everyone performed, and hopefully, we can carry this momentum into our next games,” sabi ni coach Shaq delos Santos.
Umiskor naman ang Crossovers ng pahirapang 20-25, 25-23, 22-25, 25-18, 15-11 panalo sa Solar Spikers.
Ang pagdating ni Duremdes ang makakadagdag sa depensa ng Cignal kasama sina Ces Molina, Vanie Gandler, Gel Cayuna, Riri Meneses at Jovelyn Fernandez.
Ihaharap naman ng Chery Tiggo sina Ara Galang, Cess Robles, Mylene Paat, Shaya Adorador, Aby Maraño at Mary Rhose Dapol.
- Latest