Team Philippines magbabalik sa Tour de Langkawi cycling race
MANILA, Philippines — Matapos ang higit sa dalawang dekada ay magbabalik ang mga Pinoy cyclists sa Le Tour de Langkawi sa Malaysia.
Papadyak sina veteran riders Ronald Oranza, Marcelo Felipe, Jan Paul Morales, Junrey Navarra, Joshua Pascual at Jude Gabriel Francisco ng Philippine National Road Team sa eight-stage Hors category event na magsisimula sa Linggo.
Ang tropa ay gagabayan nina coaches Ronald Gorantes, Virgilio Espiritu at Mark John Lexer Galedo kasama sina team manager Ric Rodriguez at bike mechanic Roderick Calla.
Makakatapat ng mga Pinoy riders sa Le Tour de Langkawi ang tatlong UCI World Teams, pitong Pro Teams, siyam na Continental Teams at mga national teams ng Malaysia at Thailand.
Sinabi ni Philippine Olympic Committee (POC) at PhilCycling president Abraham “Bambol” Tolentino na mahalaga ang paglahok ng bansa sa Tour de Langkawi na isa sa mga pinakamahirap na multi-stage International Cycling Union (UCI) races sa Asia.
Ang national road team ay suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno nina chairman Richard Bachmann at Commissioner-in-charge for cycling Walter Torres katuwang ang UCI continental teams Standard Insurance, 7-Eleven Road Bike Philippines at Victoria Sports Pro Cycling Team na pinagmulan ng anim na siklista.
Unang sumalang ang Pinas sa third edition ng Tour de Langkawi noong 1998 sa pamumuno nina Victor Espiritu, Arnel Quirimit, Carlo Jazul, Enrique Domingo, Warren Davadilla at Gerardo Amar.
Ang koponan ang hinirang na best-place squad sa hanay ng limang Asian teams at 10th overall sa 21-team race.
Huling sumali ang national team noong 2003 sa pamumuno nina Victor Espiritu, Quirimit at Domingo kasama sina Lloyd Reynante at Merculio Ramos.
- Latest