Kai kumportable sa pamamalakad ni Cone
MANILA, Philippines — Kumportable si Kai Sotto sa sistema ni veteran mentor Tim Cone matapos ang ilang linggong training camp at games ng Gilas Pilipinas.
Maraming coaches na ang humawak sa 7-foot-3 Pinoy cager.
At si Cone ang pinakamagaang na kasama para kay Sotto.
Mainit ang palad ni Sotto sa unang laro ng Gilas Pilipinas kung saan kumana ito ng 13 puntos at 15 boards sa 94-64 panalo ng tropa kontra sa Hong Kong sa Fiba Asia Cup 2025 qualifiers.
“Maaga pa, pero sa lahat ng linaruan kong coaches at sistema, dito ako pinaka-komportable siguro,” ani Sotto.
Naniniwala si Sotto na swak na swak ang estilo nito sa sistema ni Cone.
“I think ‘yung sistema ni coach Tim, sakto sa akin or sakto ako sa sistema ni coach. Basta ganun, kumportable ako,” ani Sotto.
Nakabalik na sa Japan si Sotto para makasama ang Yokohama sa Japan B.League.
Babalik sa bansa si Sotto sa Hunyo para muling sumalang sa ensayo kasama ang Gilas Pilipinas para paghandaan naman ang FIBA Olympic Qualifying Tournament na idaraos sa Hulyo.
Ang Olympic qualifiers ang magiging tulay ng Gilas Pilipinas para makapasok sa Paris Olympics.
Kaya naman excited na si Sotto na muling makasama ang Gilas Pilipinas at si Cone sa training camp.
Alam ni Sotto na marami itong matututunan kay Cone na isa sa winningest coaches sa PBA.
- Latest