Ikaanim na ginto sinisid ni White sa Batang Pinoy
MANILA, Philippines — Hindi rin matibag si Fil-British Heather White matapos kubrahin ang kaniyang ikaanim na gintong medalya sa 2023 Batang Pinoy National Finals swimming competitions kahapon sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila.
Namayagpag si White sa girls’ 200m freestyle sa bilis na dalawang minuto at 7.67 segundo para hablutin ang kaniyang ikaanim na ginto sa torneo.
Inilampaso ni White si Jie Talosig ng Cotabato na may malayong 2:14.37 para magkasya sa pilak gayundin si bronze winner Alexi Cabayaran ng Negros na nagtala ng 2:14.73.
Nauna nang nagreyna si White sa 400m freestyle event noong Huwebes ng gabi.
“I am so glad to end this year on a good note. I am so happy with how far I have come this year and I have been blessed with so much support. I can’t wait for what next year has in store,” wika ni White.
Maliban sa 400m at 200m freestyle events, nakahirit din ng ginto si White sa 50m freestyle at 100m freestyle, habang bahagi ito ng Paranaque team na nakaginto sa 200m freestyle relay at 200m medley relay.
Pakay ni White na masungkit ang ikapitong gintong medalya sa 100m butterfly.
Subalit mapapalaban siya kay Micaela Jasmine Mojdeh na paborito sa naturang event.
Target din ni Mojdeh na makuha ang kaniyang ika-pitong gintong medalya.
Nakaanim na ginto na rin si Mojdeh mula sa 50m at 200m butterfly events, 200m at 400m individual medley at sa 200m freestyle relay at 200m medley relay events.
- Latest