Caluag, Coo minalas sa medalya at Olympic berth
MANILA, Philippines — Sa kasamaang palad ay bigo sina Pinoy riders Daniel Caluag at Patrick Coo na makapadyak ng medalya sa pagsasara ng Asian Cycling Confederation (ACC) BMX Championships kahapon sa Tagaytay City BMX Park.
Dalawang segundo ang nawala kay Caluag, ang nag-iisang gold medalist ng bansa sa Incheon 2014 Asian Games, nang maipit ang unahang gulong ng kanyang bisikleta sa starting gate sa semifinals ng men’s elite race.
Nakawala ang London 2012 Olympian subalit hindi na nakapasok sa finals ng event na nasa kalendaryo ng International Cycling Union (UCI) at Asian Cycling Confederation at pinamahalaan ng PhilCycling at Tagaytay City sa pamumuno ni Philippine Olympic Committee president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino.
“Breaks of the game,” sabi ng 36-anyos na si Caluag na hindi tumigil ng pagsasanay sa US sa kabila ng pagiging isang Registered Nurse.
Umabante naman si Coo, ang dating Asian junior champion, sa finals, ngunit hindi na nakapuslit sa grupo at naiwanan ng walo pang riders sa pamumuno ni gold medalist Komet Sukpraser ng Thailand.
Sina Sukpraser at women’s elite winner Hatakeyama ng Japan ang nakakuha ng automatic qualification sa 2024 Paris Olympic.
Tumanggap ang Tagaytay City ng papuri mula sa UCI at ACC officials sa pangangasiwa sa naturang torneo.
“It was near perfect,” sabi ni Tolentino sa event. “Near because we missed out on outright qualification for Paris. Breaks indeed.”
Kinumpleto nina Indonesian Rio Akbar at Fasya Ahsana Rifki ang men’s elite podium habang sumegunda si Wanyl Liao ng China at tumersera si Kanami Tanno ng Japan sa women’s elite race.
Wagi rin sina Indonesian Shifa Maulidina Qotron Nada (women) at Japanese Hyoga Kiuchi (men) class.
- Latest