Cool Smashers ikakasa ang Semis

MANILA, Philippines — Huling naglaro ang nagdedepensang Creamline noong Hunyo 29 kasunod ang mahabang break.
Sa kanilang pagbabalik-aksyon ay pupuntiryahin ng Cool Smashers ang semifinals ticket laban sa PLDT Home Fibr High Speed Hitters ngayong alas-4 ng hapon sa 2023 Premier Volleyball League Invitational Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Bitbit ng Creamline ang 2-0 record sa Pool A kasunod ang PLDT (1-0), Chery Tiggo (1-1), Gerflor (0-1) at Akari (0-2) habang nangunguna sa Pool B ang F2 Logistics (3-0) sa itaas ng Choco Mucho (2-1), Cignal HD (2-1), Petro Gazz (2-1), Foton (0-3) at Farm Fresh (0-3).
Sa kanilang huling laban ay pinabagsak ng Cool Smashers ang Defenders, 25-18, 25-11, 25-12, para sa pangalawang dikit na panalo at lumapit sa semis berth.
Sina Alyssa Valdez, Tots Carlos, Michele Gumabao, Jema Galanza, Bernadeth Pons at Risa Sato ang muling aasahan ng Creamline katapat sina Kath Arado, Rhea Dimaculangan, Fiola Ceballos, Michelle Morente at Jovielyn Prado ng PLDT.
Galing ang High Speed Hitters sa 25-15, 25-19, 25-22 pagdaig sa Chargers noong Hulyo 1 at hangad ang pangalawang dikit na panalo sa Cool Smashers.
Sa alas-9:30 ng umaga maghaharap ang Chery Tiggo at Gerflor kasunod ang banggaan ng F2 at Petro Gazz sa alas-12 ng tanghali habang sa alas-6:30 ng gabi magkikita ang Cignal at Farm Fresh.
Ipopormalisa ng Cargo Movers ang pagbulsa sa semis ticket sa pagsagupa sa Gazz Angels.
Itinakas ng F2 ang 21-25, 25-17, 17-25, 25-21, 18-16 panalo sa Choco Mucho (2-1) noong Martes sa likod ng 24 points ni Kianna Dy.
Nanggaling din sa tagumpay ang Gazz Angels matapos gibain ang Foxies, 25-18, 22-25, 25-19, 19-25, 15-7, tampok ang 16 points ni Grethcel Soltones at 15 markers ni Aiza Pontillas.
- Latest





















