Brownlee manunumpa na
MANILA, Philippines — Pormal nang manunumpa ngayong araw si Justin Brownlee upang maging opisyal na naturalized player ng Gilas Pilipinas para sa mga international tournaments.
Pirmado na noon pang Enero 12 ang Republic Act 11937 o mas kilala sa tawag na “act granting Philippine citizenship to Justin Donta Brownlee.”
Nakasaad sa Section 1 ang pagpapatunay na binibigyan ng Philippine citizenship si Brownlee kung saan may karapatan na ito sa lahat na nasa ilalim ng konstitusyon.
Kasama naman sa Section 2 ang Oath of Allegiance to the Republic of the Philippines na gina-gawa ng lahat ng mga binibigyan ng Philippine citizenship.
“Justine Brownlee shall take the Oath of Allegiance to the Republic of the Philippines before an officer duly authorized to administer the same,” ayon sa batas.
Ang naturang Oath of Allegiance ay irerehistro sa Bureau of Immigration bilang patunay ng naturalization ni Brownlee.
Gaganapin ang Oath of Allegiance ni Brownlee ngayong alas-2 ng hapon sa opisina ni Sen. Francis Tolentino na siyang principal sponsor ng RA 11937.
Masaya ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa mabilis na pagtugon ng mga mambabatas sa panawagang maging naturalized player si Brownlee.
Nagpasalamat ang SBP sa lahat ng tumulong upang maisakatuparan ito.
Ngayong naturalized player na si Brownlee, inaasahang masisilayan ito sa aksyon sa sixth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers na gaganapin sa Pebrero.
Ito ang unang pagkakataon na makikita si Brownlee suot ang Gilas Pilipinas jersey sa international competition.
Makakasagupa ng Gilas Pilipinas ang Lebanon sa Pebrero 24 habang haharapin ng Pinoy squad ang Jordan sa Pebrero 27.
Idaraos ang mga laro sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan na magsisilbing dryrun para sa hosting ng bansa ng FIBA World Cup sa Agosto.
- Latest