4 junior record binura ni Ajido sa FINIS Luzon leg
MANILA, Philippines — Nagpasiklab ang national junior record holder na si Jamesray Ajido nang lunurin nito ang apat na junior record para tanghaling Most Outstanding Swimmers sa Luzon leg ng 2022 FINIS Long Course Swimming Championships nitong weekend sa Olympic-sized New Clark Aquatics Center sa Capas, Tarlac.
Nagposte si Alido, ang nangungunang pambato ng bansa sa paglahok sa SEA Age Group Championship sa Disyembre 17-19 sa Kuala Lumpur, Malaysia, ng mga bagong junior record nang pagwagian ang boys 13-14 class 50m butterfly (26.52), 100-m fly (58.13), 50-m backstroke (29.20) at 100m-back (1:03.28).
Winasak ng 13-taong-gulang at pinakabagong FINIS Brand Ambassador ang kanyang sariling pambansang junior record sa 50-m fly (26.95), 100-m Fly (58.82), 50m back (29.60), at 100-m back (1:03.48).
“Every tournament po yung focus ko maimproved ko yung personal best at record ko. Nagpapasalamat po ako sa mga tumutulong sa akin, sa aking mga magulang na laging nakasubaybay sa aking pagsasanay. Sa Kuala Lumpur pilitin kong mas makakuha ng mababang time,” ani Ajido, pambato ng Golden Zoomers Swim Club.
Sinabi ni FINIS Philippines Managing Director Vince Garcia na ang tagumpay ni Ajido ay resulta ng disiplina, pamamahala sa oras at pasensya sa pagsasanay.
“Inaasahan namin na siya ang magiging future ng bansa sa swimming. Noong kinuha namin siyang brand ambassador nakita na naming gaano kaseryoso ang bata sa training and to excel sa sports na talagang mahal na mahal niya. Kami si FINIS ay tutulong 100 percent sa kanyang hangaring maging Olympian,” ani Garcia.
Ipinagpatuloy ni Ajido ang kanyang dominasyon sa pagwawagi sa 50m breaststroke (33.62), 100m Freestyle (57.82), 50m free (26.23), 200m Individual Medley (2:17.81), 100m breaststroke (1:13.22).
Samantala, hindi rin nagpahuli ang swimming protegee na si Trixie Ortiguera nang manalo sa lahat ng siyam na event sa kanyang division para tanghaling Most Outstanding Swimmers.
Si Ortiguera, 15, ang ipinagmamalaki ng Tarlac Aquatics Swim Club, ang kampeon sa Girls 15-16 class 100m freestyle (1:02.71), 100m back (1:10.36), 50m free (28.74), 50m breast (39.75), 50m fly (30.71), 200m IM (2:39.71), 100m fly (1:12.54), 50m back (31.97), 100m breast (1:29.48).
Ang mga kasamahan ni Ajido sa Golden Zoomers at kapwa FINIS Ambassadors na sina National mainstay Kyla Soguilon at Marcus DeKam ay nagningning din sa pagkolekta ng maraming medalya upang angkinin ang MOS award sa kani-kanilang age group class.
Nasungkit ng ipinagmamalaki ng Malay, Aklan, na si Soguilon ang ginto sa Girls 17-18 100m back (1:12.37), 50m fly (31.40), 50m free (29.18), 200m IM (2:44.01) , 100m fly (1:12.18), 50m breast (37.58), at 100m free (1:04.58).
Siya ay pumangalawa kay Jan Sarmiento ng Joey Andaya Swim Team (32.86) na may oras na 33.31 at nasungkit ang bronze sa 100m breast (1:28.52).
Ang 17-yrs old na si DeKam, produkto ng Swim League Philippines (SLP), ay nangibabaw sa Boys 17-18 50m fly (26.23), 200m IM (2:15.47), 50m back (28.48), at 50m free (24.75),
Sa 19-over class, si Jarrett Dean Henthorne ang naging unang special child na nanalo ng medalya sa FINIS-organized matapos makamit ng 19-anyos na may Moderate Autism with Severe mental/intellectual Disability ang walong silver medal sa 200m IM ( 4:52.98), 100m fly (1:16.43), 50m back (36.01), 100m breast (1:30.15), 50m free (28.88), 50m fly (30.97), 100m back (1:22.61). 50m breast (39.02).
Sinabi ni Garcia na lahat ng top swimmers sa Luzon leg ay qualified sa National Finals sa Dec. 17-18 na gaganapin din sa Clark.
Sasabak sila laban sa pinakamahuhusay na swimmers mula sa Visayas at Mindanao leg.
- Latest