Crossovers dumikit sa Final Four
MANILA, Philippines — Inilapit ng Chery Tiggo ang kanilang sarili sa isang semifinals berth matapos kunin ang 29-27, 18-25, 25-16, 25-20 panalo sa Choco Mucho sa 2022 PVL Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Pumalo si Mylene Paat ng 25 points mula sa kanyang 21 attacks, 2 blocks at 2 aces para sa pang-apat na dikit na ratsada ng Crossovers at solohin ang liderato ng torneo.
Laglag naman ang Flying Titans sa ikalawang pagkatalo sa apat na asignatura.
“Lagi kong sinasabi sa mga teammates ko na kailangan naming sipagan. Gusto naming manalo kaya dapat naming sipagan,” sabi ni Paat na nagkaroon ng cramps sa fourth set.
May 15 points si EJ Laure para sa Chery Tiggo at nagdagdag ng 10 markers si Montenegrin import Jelena Cvijovic.
Nakabangon ang Choco Mucho, nakahugot kay import Odina Aliyeva ng 21 points, mula sa first set loss para makatabla sa second frame.
Muli namang nanaig ang Crossovers sa third set, 25-16, bago nagkaroon ng cramps si Paat sa gitna ng fourth frame kung saan kinuha ng Flying Titans ang 18-16 abante.
Nagtuwang sina Laure, Cza Carandang at Dindin Manabat para agawin ng Chery Tiggo ang kalamangan, habang si Paat ang humataw ng kill para tapusin ang Choco Mucho.
- Latest



















