Chiefs taob sa Stags
MANILA, Philippines — Dinungisan ng San Sebastian College-Recoletos (SSC-R) ang Arellano University (AU) sa bisa ng 60-51 desisyon kahapon sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) Season 98 men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Solidong depensa at balanseng atake ang ginawa ng Stags upang patumbahin ang Chiefs at makuha ang kanilang unang panalo sa season na ito.
Matikas si Itchie Altamirano na umiskor na 10 puntos, apat na rebounds, apat na assists at dalawang steals habang naglista naman si Kenneth Villapando ng siyam na puntos at apat na boards.
Gumawa si Rhinwill Yambing ng siyam na puntos habang nagdagdag si Tristan Felebrico ng pitong puntos at tatlong boards para sa Stags.
“The boys’ battle cry is to play good defense and turn it into good offense. The boys played well and we deserved to win,” ani San Sebastian head coach Egay Macaraya.
Armado ng solidong depensa ang Stags para mapuwersa ang Chiefs na makagawa ng 24 turnovers.
Nakahugot ang San Sebastian ng 30 puntos mula sa turnovers ng Arellano.
“I’m very satisfied but this is just the first game so we can’t really make any statement,” dagdag ni Macaraya.
Bigo ang Chiefs na masolo ang liderato para bumagksa sa 1-1 marka.
Sa ikalawang laro, tinambakan ng San Beda ang Emilio Aguinaldo College, 85-56, para umangat sa 1-1 karta.
Ito ang ikalawang sunod na kabiguan ng Genereals.
Samantala, sisimulan ng reigning champion Colegio de San Juan de Letran ang kampanya nito ngayong araw sa pagsagupa sa Jose Rizal University sa alas-12 ng tanghali.
Hindi nakapaglaro ang Knights sa opening day noong Sabado dahil sa safety and health protocols.
Kaya naman gigil ang Letran na maumpisahan ang kanilang title defense.
Wala na sa Letran sina Season 97 Rookie-MVP Rhenz Abando at Mythical Team member Jeo Ambohot.
- Latest