Rookie Draft sa May 15
MANILA, Philippines — Magkakaalaman na sa May 15 kung sino ang tatanghaling top pick overall sa taong ito sa PBA Season 47 Annual Rookie Draft.
Inihayag na ng pamunuan ng PBA ang petsa ng draft para sa season na ito ngunit wala pang linaw kung isasagawa ito face-to-face o virtual lamang tulad ng ginawa noong nakaraang taon.
Ngunit dahil sa pagluwag ng restriksiyon sa Metro Manila, malaki ang posibilidad na ganapin ito sa isang actual venue.
Nakatakdang magsimulang tumanggap ng mga aplikante ang PBA office sa Marso 21 kung saan matatapos ang deadline sa Mayo 2.
Kaliwa’t kanan na ang mga lumulutang na pangalan ng mga nagnanais lumahok partikular na sa mga Filipino-foreign players lalo pa’t nagluwag na sa requirements ang PBA.
Para sa mga local players, kailangan lamang ng orihinal na birth certificates para makapagsumite ng aplikasyon.
Sa kabilang banda, maliban sa birth certificate, tanging Philippine passport na lamang ang kailangan ng mga Fil-foreign players na nagnanais lumahok sa draft.
Tinanggal na ng PBA ang Bureau of Immigration (BI) Certificate of Recognition at affirmation ng Department of Justice (DOJ) na lubos na nagpahirap sa mga Fil-foreign players sa mga nakalipas na edisyon ng draft.
Kabilang sa mga inaabangan sa draft sina Jason Brickman, Brandon Ganuelas-Rosser at Jeremiah Gray na lalahok sa taong ito.
- Latest