SEAG gold medalists hahataw sa National Open

MANILA, Philippines — Babanderahan nina 2019 Southeast Asian Games gold medalists Christine Hallasgo, Aries Toledo, Sarah Dequinan at Clinton Bautista ang mga national athletes sa paghataw ng 2021 Ayala Philippine Athletics Championships ngayon sa Baguio City Athletic Bowl.
Ang two-day trackfest ang unang event na idaraos ng Philippine Athletic Track and Field Association (PATAFA) matapos ang dalawang taon bunga ng pandemya.
Tatakbo si Hallasgo, nagreyna sa women’s marathon ng 2019 SEA Games, sa 10,000-meter run habang sasalang sina Toledo, naghari sa men’s decathlon, sa heptathlon.
Lalahok din si Dequinan sa women’s heptathlon at kakarera si Bautista sa men’s 110m hurdles sa naturang performance trial para sa mga miyembro ng national team.
Inaasahan namang aagaw ng eksena si four-time SEAG long jump queen Marestella Torres-Sunang habang kalahok si Anfernee Lopena sa men’s 100m sprint.
Kasalukuyan namang nagsasanay sa United States sina Fil-Am Eric Cray, Kristina Knott at Natalie Uy at si Ernest John Obiena sa Italy.
Pinaghahandaan ng mga atleta ang pagsabak sa 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo at ang 19th Asian Games sa Hangzhou, China sa Setyembre.
Samantala, handang itaya ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William ‘Butch’ Ramirez ang kanyang pangalan para maresolbahan ang isyu sa pagitan nina Obiena at athletics chief Philip Ella Juico.
Dumalo si Ramirez sa ipinatawag na online inquiry ng House Committee on Youth and Sports Development kasama sina Obiena at Juico kamakalawa.
Binusisi ng House Committee ang isyu ukol sa alegasyon ng PATAFA kay Obiena ng pagsusumite nito ng palsipikadong liquidation report para sa coaching salary ni Ukrainian coach Vitaly Petrov.
- Latest






















