Twice-to-beat dale ng TNT
MANILA, Philippines — Kasabay ng pagbabalik ni coach Pido Jarencio sa bench ay ang pagtatapos ng three-game winning streak ng kanyang mga Batang Pier.
Pinabagsak ng TNT Tropang Giga ang NorthPort, 102-92, para sikwatin ang ‘twice-to-beat’ incentive sa eight-team quarterfinal round ng 2021 PBA Philippine Cup kahapon sa Don Honorio Ventura State University Gym sa Bacolor, Pampanga.
Tumipa si rookie guard Mikey Williams ng 29 points para sa TNT at may 22 at 18 markers sina rookie Kib Montalbo at Troy Rosario, ayon sa pagkakasunod.
“I thought we caught a break today because NorthPort has been playing very, very good,” sabi ni Tropang Giga coach Chot Reyes. “They came out with a lot of enery, giving us a lot of problems.”
Ang ikatlong sunod na ratsada ng TNT ang nag-angat sa kanilang rekord sa 9-1 sa team standings habang nahulog ang kartada ng NorthPort sa 4-4.
Maganda ang naging simula ng Batang Pier, hindi nagiyahan ni Jarencio sa tatlong laro matapos ma-quarantine dahil sa pagiging COVID-19 positive, at inilista ang 32-22 bentahe sa second quarter.
Rumatsada naman ang Tropang Giga sa likod nina Williams, Montalbo, Rosario at Kelly Williams para iposte ang 17-point lead, 100-83, sa huling 2:59 minuto ng fourth period.
Dito na tuluyang isinuko ng NorthPort ang laban.
Samantala, magbabalik sa aksyon ang Meralco (5-2) matapos mawala sa Week Two schedule dahil sa health and safety protocols sa kanilang pagsagupa sa Terrafirma (3-6).
Magtutuos ang Bolts at Dyip ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang upakan ng NLEX Road Warriors (4-5) at sibak nang Blackwater Bossing (0-9) sa alas-4:35 ng hapon.
- Latest