Knott minalas sa semis
MANILA, Philippines — Minalas si Kristina Knott na mapasama sa semifinal round ng women’s 200-meter run matapos pumang-lima sa heats kahapon sa Olympic Stadium.
Nagsumite ang Fil-American sprinter ng mabagal na 23.80 segundo sa preliminaries para sa kanyang Olympic debut.
Ang naitalang oras ng 2019 Southeast Asian Games double gold medalist ay mababa sa nailista niyang personal best at Philippine record na 23.01 segundo noong 2019 SEA Games na idinaos sa bansa.
Tumapos ang 25-anyos na si Knott sa pang-37 sa kabuuang 42 runners na tumakbo sa nasabing event.
Ang mga top three finishers sa pitong heats at ang tatlong susunod na may pinakamabilis na oras ang papasok sa semifinals kinahapunan.
Si Knott ang ika-11 miyembro ng 19-man Team Philippines na minalas sa anumang Olympic medal.
Ang iba pa ay sina flyweight Irish Magno, Cebuana skater Margielyn Didal, weightlifter Elreen Ando, rower Cris Nievarez, swimmers Remedy Rule at Luke Gebbie, shooter Jayson Valdez, taekwondo jin Kurt Barbosa, judoka Kiyomi Watanabe at golfer Juvic Pagunsan.
- Latest