De Los Santos naka-26 ginto na
MANILA, Philippines — Tuloy ang matikas na ratsada ni Orencio James De Los Santos nang kumana ito ng gintong medalya sa 2nd Euro Grand Prix eTournament.
Napasakamay ni De Los Santos ang ginto bunsod ng 24.82-24.62 pananaig kontra kay world No. 2 Domont Matias Moreno ng Switzerland sa finals ng male individual kata seniors.
Umabante sa championship round si De Los Santos nang umiskor ito ng 25.4 puntos sa group stage para talunin sina Roland Hager ng Germany (22.14) at Alfredo Bustamante ng Amerika (24.86).
Hindi pa rin matinag si De Los Santos sa No. 1 spot sa online world ranking.
Nakalikom na ito ng 31,055 points, malayo na sa pumapangalawang si Moreno na may 16,530 points lamang gayundin kay world No. 3 Bustamante na may 13,480 points.
Nagpasiklab din si Pinay karateka Fatima Hamsain na nanalo kay Eliska Pokorna ng Czech Republic para angkinin ang ginto sa female individual kata Under-16 category.
- Latest