Ando pasok sa Olympics
Via continental quota
MANILA, Philippines — Idagdag na ang pangalan ni national weightlifter Elreen Ando sa naunang 10 Pinoy qualifiers para sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Ito ay matapos siyang makapasa sa International Weightlifting Federation (IWF) Absolute Continental Ranking for Asia para sa women’s -64 kilogram category ng 2021 Olympics na idaraos sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.
Kumolekta si Ando ng 26,349,334 points para kunin ang 12th place sa likod ng kanyang binuhat na dalawang silver at isang bronze medal sa nakaraang International Weightlifting Federation (IWF) Asian Championships sa Tashkent, Uzbekistan noong Abril.
Ang 22-anyos na si Ando, ang 2019 Southeast Asian Games silver medalist, ang ikalawang national weightlifter na sasabak sa 2021 Tokyo Olympics matapos si 2016 Rio de Janeiro Olympics silver medalist Hidilyn Diaz.
Sinabi ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) president Monico Puentevella na si Ando ang inaasahang susunod sa yapak ni Diaz bukod pa sa 17-anyos na si Vanessa Sarno.
Makakasama nina Diaz at Ando sa kampanya sa 2021 Tokyo Olympics sina skateboarder Margielyn Didal, gymnast Carlos Edriel Yulo, pole vaulter Ernest John Obiena, taekwondo jin Kurt Barbosa, rower Cris Nievarez at boxers Eumir Felix Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio at Carlo Paalam.
Noong 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil ay 13 national athletes ang naisabak ng bansa tampok ang pagkopo ni Diaz sa silver medal.
- Latest