Gabuco laglag sa tanso
MANILA, Philippines — Nagkasya sa tansong medalya si dating world champion Josie Gabuco matapos yumuko sa semifinals ng 2021 ASBC Elite Men’s and Women’s Boxing Championships na ginaganap sa Dubai, United Arab Emirates.
Lumasap si Gabuco ng 1-4 desisyon laban kay Gulasal Sultonalieva ng Uzbekistan sa women’s light flyweight division (45-48 kg.).
Pumabor sa Uzbekistan bet ang apat na hurado mula sa Romania, Ireland, India at Bulgaria na pare-parehong may 29-28 iskor habang tanging ang judge mula sa Kyrgysztan ang bumoto para kay Gabuco (29-28).
Sa kabila nito, tatlong Pinoy fighters pa ang magtatangkang humirit ng tiket sa finals sa pangunguna ni Tokyo Olympics qualifier Eumir Felix Marcial.
Sariwang-sariwa pa si Marcial sa pag-entra nito sa semifinals dahil hindi pa ito sumasalang sa laban matapos makakuha ng opening round bye at walkover win sa quarterfinals kontra kay Otgonbaatar Byamba-Erdene ng Mongolia sa men’s middleweight (75 kg.) class.
Lalarga si Marcial sa semis kontra kay Saidjamshid Jafarov ng Uzbekistan.
Ang torneo ay bahagi ng paghahanda ni Marcial para sa Tokyo Olympics na idaraos sa Hulyo 23.
Aariba rin sa semis sina Mark Lester Durens at Junmilardo Ogayre.
Makakatipan ni Durens si Daniyal Sabit ng Kazakhstan sa men’s light flyweight (46-49kg.) samantalang sasabak si Ogayre laban kay top seed Mirazizbek Mirzahalilov ng Uzbekistan sa men’s bantamweight (56 kg.)
- Latest