Diaz pasok na sa Tokyo olympics sumipot lang sa kanyang laban
MANILA, Philippines — Sapat na ang paglahok ni Hidilyn Diaz sa Asian Weightlifting Championships sa Tashkent, Uzbekistan para pormal na angkinin ang Olympic Games berth.
Sumabak kagabi ang 2016 Rio de Janeiro Olympics silver medalist na si Diaz sa women’s 55-kilogram cate-gory ng torneo para sa kanyang inaasahang paglalaro sa pang-apat na sunod niyang Olympics.
Ang Asian Weightlifting Championships ang pang-anim na Olympic qualifying na nilahukan ng 30-anyos na Pinay lifter na isa sa mga requirement para mabigyan ng Olympic slot.
Nasa No. 5 spot si Diaz sa International Weightlifting Federation (IWF) rankings sa women’s 55kg class sa kanyang 3,717.0982 points sa ilalim nina Chinese lifters Jiang Huihua (4,667.8878), Liao Qiuyun (4,288.9622), Zhang Wangqiong (4,212.6639) at Li Yajun (4,099.0223).
Base sa IWF guidelines at sa Tokyo Olympics rules ay tanging si Jiang lang ang puwedeng kumatawan sa China sa nasabing dibisyon dahil isang weightlifter lamang kada bansa ang pinapayagang lumahok sa isang weight category.
Ang 2019 Southeast Asian Games gold medalist na si Diaz ang magiging pang-pitong Pinoy athlete na sasabak sa 2021 Olympics sa Tokyo, Japan sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.
Makakasama niya sina pole vaulter Ernest John Obiena, gymnast Carlos Edriel Yulo at boxers Eumir Felix Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio at Carlo Paalam.
Ito ang ikaapat na sunod na Olympic stint ni Diaz mula noong 2008 (Beijing), 2012 (London) at 2016 (Rio de Janeiro, Brazil) kung saan nanalo siya ng silver medal.
Naghahangad din ng Olympic berth sina national lifters Mary Flor Diaz (45kg), Ellen Rose Perez (49kg), Margaret Colonia (59kg), Elreen Ann Ando (64kg), Vanessa Sarno (71kg) at Kristel Macrohon (76kg) sa women’s division at sina John Fabuar Ceniza (61kg) at John Dexter Tabique (96kg) sa men’s class.
- Latest