Game plan ni Marcial pinaplantsa na!
MANILA, Philippines — Puspusan na ang paghahanda ni three-time Southeast Asian Games champion Eumir Felix Marcial para sa pinakamala-king labang haharapin nito sa kanyang professional boxing debut.
Makakasagupa ni Marcial si Andrew Whitfield sa Disyembre 16 (Disyembre 17 sa Maynila) sa Microsoft Theater sa Los Angeles, California.
Puntirya ng Tokyo Olympics qualifier na magkaroon ng engradeng simula ang kanyang pro boxing career kaya’t handa itong gawin ang lahat upang makuha ang impresibong panalo.
Knockout win ang target ni Marcial.
Kaya naman bantay-sarado na ito ni American trainer Freddie Roach sa matinding training camp sa pamosong Wild Card Gym sa Hollywood, California.
Ikinakasa na ni Roach ang game plan ni Marcial sa kanyang “first test” sa pro boxing.
Alam sa mundo ng amateur boxing na kilalang knockout puncher si Marcial na makailang beses na nitong nagawa para makuha ang No. 2 seeding sa world ranking ng international boxing association.
At magandang kumbinasyon si Marcial at Roach dahil ang American trainer ang humasa sa knockout punch ni eight-division world champion Manny Pacquiao na naging armas nito para maabot ang tugatog ng tagumpay.
Tiwala si Roach na kaya rin itong magawa ni Marcial na armado rin ng mabagsik na kamao.
Kailangan lang ng sapat na panahon at magandang paggabay upang lubos na maging pulido ang galaw nito bago sumalang sa matitinding laban.
Malaki ang papel ni Roach upang magkaroon ng sapat na kaalaman si Marcial sa magiging takbo ng laban.
Sinasamantala na ni Roach ang lahat ng pagkakataon upang maibigay ang kinakailangan ni Marcial dahil hindi ito makakasama sa araw ng laban.
- Latest